Wednesday, October 4, 2017

Isang Sulyap sa Araw ng Isang Komyuter

Kanina pag-uwi ko mula sa aking paaralan, sumakay ako ng pampasaherong jeep na may rutang Stop n Shop hanggang SSS Village. Ito ang ruta ng jeep na parati kong sinasakyan sapagkat dirediretso na ito papunta sa amin. Doon ay nakasakay ko ang isang matandang babae na maraming dala-dalahan sa kanyang magkabilang gilid. Malayo ang kanyang tingin, wari'y maraming iniisip. Maka-ilang beses ko siyang sinusulyap-sulyapan, hindi ko rin alam kung bakit.

Noong una ay inaantok na ako at pinag-iisipan ko kung iidlip ba ako o huwag na, subalit noong patungo na kami sa Katipunan, tumugtog ang kantang Esem ng Yano. Bigla akong natigilan sa pagkain ng binili kong fries sa McDonald's. Kasabay ng pagdaan namin sa kahabaan ng Aurora Boulevard ay ang pagdagundong ng jeep habang binabanggit ang letra ng kanta;
"Nakakainip ang ganitong buhay, 
Nakakainis ang ganitong buhay, 
Nakakabaliw ang ganitong buhay,
'Di nakakaaliw ang ganitong buhay..."
Patuloy ang andar ng jeep.

Pagdating nito sa Riverbanks, ito ay tumigil nang saglit upang magbaba at magsakay ng mga pasahero. Doon ay nakita ko sa kabilang kalye ang isang lalaking pulubi na kinukuhaan ng litrato ng dalawang kabataang babae. Tila may tinanong ang dalawang babae kaya't tumango ang pulubi. Matapos ang ilang beses na pag-ayos ng anggulo at pagbukas-sara ng lente, umalis ang dalawang babae. Nanatili sa kanyang pwesto ang pulubi. Umandar na ang aming jeep.

Sa Bayan, o Palengke ng Marikina, bumaba na ang babae bitbit ang kanyang dalawang bag sa magkabilang balikat at dalawa pa sa magkabilang kamay. Bago bumaba, mahina ngunit narinig ko ang kanyang pagbulong ng "Salamat".

'Di ko mapigilang magpadala na lamang sa aking isipan. Halu-halo ang aking nararamdaman sa mga bagay na aking nakita at nadaanan. Pinipigilan kong makaramdam ng "awa" sa mga nasabing tao, sapagkat hindi iyon ang kanilang kailangan. Nais ko silang matulungan, ngunit sa paanong paraan? Pamasahe na lang ang natira sa akin, hindi rin sila mabubusog sa tira-tira kong fries.
'Di ko mapigilang malungkot, sapagkat ito ang realidad. Ito ang mundo na ating ginagalawan. Ito ang pang-araw-araw na buhay ng karamihan. Na sa kabila ng pagbabalita nila ng patuloy raw na pag-unlad ng ating bansa, tila mas marami ang napag-iiwanan.
Pagkatapos ay kukuhaan pa natin sila ng litrato. Hanggang doon lang ba talaga ang ating kaya? Idokumento ang kanilang kalagayan? Saka ilalathala sa social media upang ihingi ng tulong sa iba? Marahil hindi ko alam ang pakay ng nabanggit kong mga babae sa itaas, ngunit hindi ba iyon naman ang katotohanan sa panahong ito? 

Buntong hininga, ito ang buhay.

No comments:

Post a Comment