Sunday, December 10, 2017

10 Disyembre 2017

Kanina ay nanggaling ako sa Palengke ng Marikina kung saan naroon din ang Marikina Sports Center. Maraming tao, mukhang mayroong event na isinasagawa. Nang ako'y papauwi na at nag-aabang na ng pampasaherong jeep, napansin kong napakabigat na ng trapiko sa linyang papunta sa tulay, ni hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Sa kinatatayuan ko naman, wala nang dumaraan na mga sasakyan. 'Yun pala, e may parada nang nagaganap sa 'di kalayuan galing sa tulay, papuntang Sports Center. Dumagsa sa aking tabi at sa kahabaang kinatatayuan ko ang mga manonood, o marahil ay naghihintay rin ng masasakyan. Patuloy ang parada, may banda, mga mananayaw, mapa-bata at matanda, kalahok sa mga sayaw at parada. Noong una ay naiinis ako, sapagkat sa aking isipan, nais ko nang umuwi ngunit wala akong masakyan dahil sa paradang nagaganap, ngunit nang aking pagmasdan ang mga taong kalahok, unti-unti kong napagtanto kung ano ang nangyayari.

Nakakatuwa lamang isipin na isa lang ito sa mga bagay na makikita natin na bilang mga tao, kaya pala nating magkaisa. Na sa ganitong mga bagay, nagsasama-sama tayo, nagkakasiyahan at ginagawa kung ano ang dapat nating gawin. Sa maikling panahon ng aking panonood, nakita ko ang mga reaksyon ng mga mananayaw pati ng mga manonood. Mga ama na karga ang kanilang mga anak, mga ina na inirerecord ang parada sa kanilang mga cellphone, iba't ibang uri ng tao, naroon, nagtipon-tipon, sa maikling panahon, upang magkasiyahan. 

Sa panahon ngayon, nakatutuwang isipin na nagagawa pa rin nating tumawa, kung panong sa maikling panahon ay ating nakakalimutan ang problema, nakatuon lamang sa kung ano ang nagyayari sa kasalukuyan, walang ibang iniisip, walang pag-aalala, tanging pagsisiya, kahit isang saglit.

Wednesday, October 4, 2017

Isang Sulyap sa Araw ng Isang Komyuter

Kanina pag-uwi ko mula sa aking paaralan, sumakay ako ng pampasaherong jeep na may rutang Stop n Shop hanggang SSS Village. Ito ang ruta ng jeep na parati kong sinasakyan sapagkat dirediretso na ito papunta sa amin. Doon ay nakasakay ko ang isang matandang babae na maraming dala-dalahan sa kanyang magkabilang gilid. Malayo ang kanyang tingin, wari'y maraming iniisip. Maka-ilang beses ko siyang sinusulyap-sulyapan, hindi ko rin alam kung bakit.

Noong una ay inaantok na ako at pinag-iisipan ko kung iidlip ba ako o huwag na, subalit noong patungo na kami sa Katipunan, tumugtog ang kantang Esem ng Yano. Bigla akong natigilan sa pagkain ng binili kong fries sa McDonald's. Kasabay ng pagdaan namin sa kahabaan ng Aurora Boulevard ay ang pagdagundong ng jeep habang binabanggit ang letra ng kanta;
"Nakakainip ang ganitong buhay, 
Nakakainis ang ganitong buhay, 
Nakakabaliw ang ganitong buhay,
'Di nakakaaliw ang ganitong buhay..."
Patuloy ang andar ng jeep.

Pagdating nito sa Riverbanks, ito ay tumigil nang saglit upang magbaba at magsakay ng mga pasahero. Doon ay nakita ko sa kabilang kalye ang isang lalaking pulubi na kinukuhaan ng litrato ng dalawang kabataang babae. Tila may tinanong ang dalawang babae kaya't tumango ang pulubi. Matapos ang ilang beses na pag-ayos ng anggulo at pagbukas-sara ng lente, umalis ang dalawang babae. Nanatili sa kanyang pwesto ang pulubi. Umandar na ang aming jeep.

Sa Bayan, o Palengke ng Marikina, bumaba na ang babae bitbit ang kanyang dalawang bag sa magkabilang balikat at dalawa pa sa magkabilang kamay. Bago bumaba, mahina ngunit narinig ko ang kanyang pagbulong ng "Salamat".

'Di ko mapigilang magpadala na lamang sa aking isipan. Halu-halo ang aking nararamdaman sa mga bagay na aking nakita at nadaanan. Pinipigilan kong makaramdam ng "awa" sa mga nasabing tao, sapagkat hindi iyon ang kanilang kailangan. Nais ko silang matulungan, ngunit sa paanong paraan? Pamasahe na lang ang natira sa akin, hindi rin sila mabubusog sa tira-tira kong fries.
'Di ko mapigilang malungkot, sapagkat ito ang realidad. Ito ang mundo na ating ginagalawan. Ito ang pang-araw-araw na buhay ng karamihan. Na sa kabila ng pagbabalita nila ng patuloy raw na pag-unlad ng ating bansa, tila mas marami ang napag-iiwanan.
Pagkatapos ay kukuhaan pa natin sila ng litrato. Hanggang doon lang ba talaga ang ating kaya? Idokumento ang kanilang kalagayan? Saka ilalathala sa social media upang ihingi ng tulong sa iba? Marahil hindi ko alam ang pakay ng nabanggit kong mga babae sa itaas, ngunit hindi ba iyon naman ang katotohanan sa panahong ito? 

Buntong hininga, ito ang buhay.

Thursday, September 14, 2017

Ang Henerasyon ng Bandwagon

Sa aking mga mambabasa at tagapakinig, isang pagbati mula sa kaibuturan ng aking puso. Nagpapasalamat ako sa inyo sapagkat ngayon kayo ay narito, sinisimulang basahin at pakinggan ang isang talumpati tungkol sa mga kabataang tulad ko. Ito ay aking iniaalay sa aking mga kapwa kabataan, na patuloy nagsisikap mag-aral at tamasahin ang nalalabing panahon ng siya't kalayaan ng pagiging isang bata.

Tunay na mahirap ang nararanasan nating transisyon o pagbabago mula sa pagiging musmos tungo sa isang ganap na tinedyer, ang yugto bago tumungo sa wastong gulang o mayor de edad. Kung dati ay hindi pa tayo lubos na makagawa ng sarili nating desisyon, ngayon ay kailangan na nating matutong magdesisyon sa paggamit ng sarili nating isip. May kakayahan at kalayaan na tayong mamili at magdesisyon sagan ng ating sarili. Subalit bakit marami sa atin ang pinipiling makibagay at sumunod na lamang sa uso? Bakit ang ilan ay walang kakayahang makapagdesisyon para sa kanilang sarili?

Isang tanyag na kasabihan mula sa isang makata sa Ingles na si John Donne ang "No man is an island", pinaparating nito na walang sinoman ang dapat na nag-iisa. Kaya nga, isang bahagi ng ating pamumuhay ang pagkakaroon ng kaibigan na ating kasama sa pagsisiya at paglilibang. Sila ang nakakasama natin sa mga bagay at gawaing pareho nating gusto, ngunit may mga panahong hindi na ito angkop o dapat pang gawin, tulad na lamang sa pagpili ng kursong kukunin sa kolehiyo o kaya ay trak sa senior high school. Marami ang nalilihis ang landas ng dahil ang kanilang piniling kurso ay kung alin ang napagkasunduan ng barkada, kahit na ito ay hindi naman bukal sa kanyang kaloobang pag-aralan o hindi hanay sa kanyang kakayahan. Nasasayang ang mga oportunidad na sana ay naghihintay sa atin, kung puro "sige, doon na lang" ang ating desisyon sa buhay. 
Ito ay mauugnay natin na "bandwagon" sa Ingles, ang biglaang pagsikat ng isang tao, pananamit, pananalita, musika, gadget o ano pa man dahil din sa biglaang pagdami ng tagasunod nito, kahit karamihan ay hindi pa naman lubos na nauunawaan ang gamit o halaga nito. Basta't nalaman ng ilan na ang isang bagay ay ginagamit ng kanilang idolo o kaya ay kaibigan, dali-dali'y kailangan mayroon din siyang ganoon o kaya ay dapat gamitin niya rin ito. Isa pang akala ng iba ay ikamamatay nila kung sila ay hindi "in" o wala sa uso. Tila ba kabilang sa pangunahing pangangailangan nila ang pinakamakabagong telepono o kaya ay hindi sila nakapaglathala ng isang litrato sa social media ng kanilang kinain sa araw na iyon. Para bang kailangang ipamukha sa lahat na "in" sila tulad ng nakararami. Isa itong hindi magandang kaugalian, lalo na kung ang mga bagay na ito naman ay walang katuturan at hindi naman ikauunlad ng iyong pagkatao. Ipinapakita pa nga nito kung gaano ang kawalan ng pagka-orihinal ng isang tao bilang ikaw, sapagkat mas pinipili pa nila na gayahin ang iba.

Walang masamang gustuhin ang interes din ng nakararami, hindi rin masama kung ayaw mo ito at may iba kang gusto. Sa ating henerasyong kinabibilangan, tila mas tanyag pa kung sino ang walang tunay na nalalaman kaysa sa may alam. Sa paglaganap ng makabagong teknolohiya, isaisip nating gamitin ito sa makabuluhang paraan at para makapagdesisyon pa nang mas mahusay.  Parati lamang nating iisipin na piliin kung alin ang tunay na nais ng ating sarili at hindi ang nais ng ibang tao. Ang taong hindi kayang tumanggap ng ibang kaisipan liban sa kung ano ang galing sa nakararami ay bulag at sarado ang kaisipan sa marahil ay mas makabuluhan pang ideya kaysa sa pangkaraniwang kaalaman. Hindi ibig sabihin na kung iba ka ay mali ka. Huwag tayong matatakot na piliin at gawin ang tunay nating kagustuhan, sapagkat sa huli, sarili lamang natin ang mayroon tayo.