Sunday, December 10, 2017

10 Disyembre 2017

Kanina ay nanggaling ako sa Palengke ng Marikina kung saan naroon din ang Marikina Sports Center. Maraming tao, mukhang mayroong event na isinasagawa. Nang ako'y papauwi na at nag-aabang na ng pampasaherong jeep, napansin kong napakabigat na ng trapiko sa linyang papunta sa tulay, ni hindi gumagalaw ang mga sasakyan. Sa kinatatayuan ko naman, wala nang dumaraan na mga sasakyan. 'Yun pala, e may parada nang nagaganap sa 'di kalayuan galing sa tulay, papuntang Sports Center. Dumagsa sa aking tabi at sa kahabaang kinatatayuan ko ang mga manonood, o marahil ay naghihintay rin ng masasakyan. Patuloy ang parada, may banda, mga mananayaw, mapa-bata at matanda, kalahok sa mga sayaw at parada. Noong una ay naiinis ako, sapagkat sa aking isipan, nais ko nang umuwi ngunit wala akong masakyan dahil sa paradang nagaganap, ngunit nang aking pagmasdan ang mga taong kalahok, unti-unti kong napagtanto kung ano ang nangyayari.

Nakakatuwa lamang isipin na isa lang ito sa mga bagay na makikita natin na bilang mga tao, kaya pala nating magkaisa. Na sa ganitong mga bagay, nagsasama-sama tayo, nagkakasiyahan at ginagawa kung ano ang dapat nating gawin. Sa maikling panahon ng aking panonood, nakita ko ang mga reaksyon ng mga mananayaw pati ng mga manonood. Mga ama na karga ang kanilang mga anak, mga ina na inirerecord ang parada sa kanilang mga cellphone, iba't ibang uri ng tao, naroon, nagtipon-tipon, sa maikling panahon, upang magkasiyahan. 

Sa panahon ngayon, nakatutuwang isipin na nagagawa pa rin nating tumawa, kung panong sa maikling panahon ay ating nakakalimutan ang problema, nakatuon lamang sa kung ano ang nagyayari sa kasalukuyan, walang ibang iniisip, walang pag-aalala, tanging pagsisiya, kahit isang saglit.