I think I was born bored
I think I was born blue
I think I was born wanting more
I think I was born already missing you
But my heart is like a claw machine
Its only function is to reach
It can't hold on to anything
No, I can't hold on to anything
- Claw Machine, Sloppy Jane (2024)
tagamasid.
just looking, sometimes participating.
Monday, October 21, 2024
Thursday, May 20, 2021
Tsuki ga kirei, desu ne?
Sunday, July 12, 2020
METRO MANILA (2013): Isang Suring Pelikula
Sa kabila ng nagtataasang mga gusali at
naglalakihang mga pasyalang malls, hindi nito maitatago ang tunay
na mukha ng kahirapan sa sentro ng bansang Pilipinas: ang Metro
Manila. Saan man mapunta, mayroon at mayroong masisilayang mga
tagpi-tagping bahay o ‘di kaya naman sa lansangan na mismo naglalagi ang mga
pamilyang iba’t iba ang kwentong taglay. Isa sa mga dahilan ay ang pagluwas ng
mga galing sa kanayunan patungo sa lungsod, sa pagbabaka sakaling makamtan ang
kaginhawaan at karangyaan ng buhay sa lungsod na kanilang nakikita sa internet,
telebisyon at pahayagan. Sa bawat pangarap na ito, ay karagdagang pamilya ding
gumagala at naghahanap ng swerte sa lungsod, kung saan mas mataas ang
kamalasan.
Pinamagatan itong Metro Manila dahil una sa lahat
ay dito ang setting o pinangyarihan ng pelikula. Pangalawa,
ipinapakita ng pelikula ang tunay na takbo ng buhay sa lungsod. Maingay,
magulo, mausok, laganap ang kasamaan, mahirap ang buhay. Ito ang reyalidad sa
Metro Manila. Umikot ang kwento sa pagluwas ng Maynila ng mag-anak ni Oscar
(Jake Macapagal) at Mai (Althea Vega) at sa paghahanap nila ng trabaho
pangtustos sa kanilang pangangailangan. Kalaunan ay nakahanap si Oscar ng
trabaho sa isang armored van courier at si Mai naman ay sa isang bar. Sa trabaho ni Oscar ay kaniyang nakilala si Ong (John Arcilla) na sa huli ay may maitim palang balak kung kaya't ganoon na lamang ang bait niya kay Oscar.
Ang tatlong pangunahing karakter ng pelikula ay may
iba’t ibang katangian, motibasyon at kahulugan o simbolo. Si Oscar, ay isang
asawa at ama na tanging hangad ay ang nakabubuti sa kaniyang asawa at mga anak.
Mabuting tao si Oscar at malaki ang pagpapahalaga niya sa kaniyang pamilya,
kaya’t kahit buhay ang kapalit, at sa batas ng Diyos at tao ito ay mali, ginawa
niya ang para sa kaniya ay tama, maiahon lamang sa hirap ang kaniyang
mag-anak. Si Mai, gaya ni Oscar, ay isang magulang. Isang ina, na kahit magbenta
ng kanyang katawan ay kaniyang ginawa. Wala siyang ibang magawa kundi
magsakripisyo at kumapit sa patalim para sa kanyang anak. Tulad ni Oscar ay
nagnanais lang din siya ng magandang buhay para sa kaniyang pamilya. Sila ay
sumisimbolo sa mga magulang na biktima ng kahirapan at ginagawa ang kanilang
makakaya upang makaalpas lamang sa kanilang abang kalagayan. Sa kabilang banda,
si Ong, bagama’t tulad ni Oscar na isang asawa, ay magkasalungat sila ng
katangian. Kaiba kay Oscar, si Ong ay nagtataksil sa kaniyang asawa, maraming
bisyo gaya ng alak at sigarilyo, at may pagkagahaman dahil na nga sa kanyang
pagtago ng naiwang kahon ng pera noong sila ay nanakawan. Ibang-iba sa pagiging
dalisay ng puso ni Oscar at Mai na tanging nais ay mas maayos na buhay para sa
kanilang pamilya. Si Ong ay sumisimbolo sa isang mamamayan ng lungsod na kinain
na ng sistema. Bisyo, yaman, babae, mga luho at layaw na nais makamtan ng isang
tao na nag-aakalang ito ang sagot sa isang miserableng buhay. Sa huli,
kamatayan din ang kaniyang nakamit. Para makalimutan ang problema at magkaroon
ng panandaliang kasiyahan, ito ang kulturang namumutawi ‘di lamang sa lungsod
ngunit sa ibang bahagi pa ng bansa.
Kahanga-hanga, bagama’t masalimuot na realidad ng buhay ang pinakita sa pelikulang Metro Manila. Mahusay ang pagkakakuha ng mga eksena, at maganda ang sinematograpiya. Ipinakita ang kalagayan ng mga nasa laylayan ng lipunan na nakatira kung saan-saan. Ipinakita ang nakakapagod na araw-araw na buhay ng karamihan, na tila parating may hinahabol at hindi magkanda-ugaga sa pagiging abala. Tila walang oras na dapat masayang sapagkat ang oras ay pera. May ilang eksenang hindi kumportableng panoorin tulad ng eksena ni Mai sa bar, kung saan may isang pagkakataon pang hinimok ng may-ari ng bar na pagtrabahuhin din ang anak ni Mai sa bar para sa ilang espesyal na mga kustomer. Ang anak niya ay siyam na taong gulang lamang. Mahusay ang pagkakaganap ng mga aktor at aktres, liban na lamang siguro sa gumanap kay Mai na si Althea Vega, may pagkakataong hindi ako kumbinsido sa kaniyang pag-arte sapagkat siya ay parang nagbabasa lamang ng kaniyang linya. Pangkalahataan, napakaganda, impormatibo, may kirot sa damdamin at nakakapagpamulat ang pelikulang Metro Manila.
Ang lungsod, ang Metro Manila, ay nakikita ng karamihan lalo ng mga hindi naninirahan dito bilang isang simbolo ng karangyaan. Tinitingala ng marami ang Maynila sa pag-aakalang narito ang sagot sa kahirapan. Ang akala nila na sa bawat nagtataasang gusali ay oportunidad, sa bawat magagarang sasakyan ay pera at kapangyarihan. Ngunit, ang katotohanan ay walang oportunidad para sa isang ordinaryong tao sa lungsod. Ang tumatamasa lamang ng kapangyarihan at magandang buhay ay ang mga nasa itaas. Kung kaya marami ang naeengganyong kumapit sa patalim. Magnakaw, magbenta ng pinagbabawal na gamot at magbenta ng sariling katawan, makakita lamang ng pera at makatawid sa isang araw. Nagagawa ng ibang mga tao ang mga ganitong masamang bagay hindi dahil sila ay masama, ngunit dahil biktima sila kahirapan at ng bulok na sistema. Hindi isang kasalanan ang maghangad ng magandang buhay at lalong hindi kasalanan ang piliting makatawid lamang sa araw-araw na pamumuhay. Dahil sa kawalan ng oportunidad at wala namang pakialam ang gobyerno sa mga mahihirap, sa katunayan ay ang mga mahihirap pa ang tinuturing na kaaway. Ito ang tunay na mukha ng Metro Manila. Hindi patas, hindi payapa, walang ginhawa.
Ipinakita ng pelikula ang mukha ng Metro Manila na hindi nabibigyang pansin sa mainstream media. Marami ang nagbubulag-bulagan sa tunay na kalagayan ng mas nakararaming Pilipino sa bansa. Maraming gahamang walang pag-iimbot na lalamangan ang kanilang kapwa makuha lamang ang gusto nila dahil sila ay mga makasariling nilalang. Sa kabila nito, marami ring katulad ni Oscar na gagawin ang lahat para sa ikabubuti lamang ng kaniyang pamilya. Hindi lungsod ang sagot sa kahirapan, kundi ang pagbabago ng sistema ng pamumuhay sa ating bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas malaking tuon ng pansin sa mga nasa laylayan. Kung matututunan lamang ng mga nasa kapangyarihan na kahit minsan ay bumaba sa kanilang trono at kalingain ang mga padaan-daan sa kanilang paanan, tiyak ay wala nang rason para magbuwis ang buhay sinoman at makagawa ng krimen magkaroon lamang ng matiwasay na buhay.